Bilang ng nasawi dahil sa Delta variant sa Pinas umakyat na sa 3

Bilang ng nasawi dahil sa Delta variant sa Pinas umakyat na sa 3

TATLO na ang kumpirmadong nasawi sa lahat ng indibidwal na nahawaan ng Delta variant matapos makumpirma na isa pa sa mga local case ang binawian ng buhay.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isa pa sa labing isang local case ang kumpirmadong pumanaw na.

Isang 78 taong gulang na ginang mula sa Antique ang naturang pasyente.

Ani Vergeire una itong idineklara na “recovered” ngunit kinumpara ng local government unit (LGU) na binawian na ng buhay ang ginang noon pang Mayo 30.

Ang naturang pasyente ang ikatatlong naiulat na namatay sa dahil sa Delta variant.

Ang pinakaunang naitalang pagkamatay ay isang 63-taong gulang na Pinoy crew ng MV Athens Bridge noong Mayo 19.

Sunod namang nakumpirma ng DOH na pumanaw ay isang 58-taong gulang na ginang mula sa Pandacan, Manila na namatay noong Hunyo 28.

Ang tatlong pasyente na binawian ng buhay ay kabilang sa 35 kaso ng Delta variant na na-detect sa bansa.

Matatandaan na nitong linggo ay inanunsyo ng DOH na may karagdagang 16 na kaso ng naturang variant sa bansa ngunit hindi lahat ay imported cases.

Lima dito ang mula sa returning overseas Filipino workers habang labing isa ang local cases.

Samantala, sa Viber message sinabi ni Vergeire 32 na sa mga nahawaan ng Delta variant ang nakarekober na.

Ngunit ang siyam na local cases at limang ROFs na na-detect kamakailan ay isasailaim sa reassessment at ika-quarantine muli.

“All Delta variant cases are immediately reassessed to determine their current clinical, laboratory and isolation status. They shall be swabbed for repeat RT-PCR at end of their isolation or upon determination that they were positive for the Delta variant,” pahayag ni Vergeire.

Aniya mananatili munang naka-isolate ang naturang mga pasyente habang hinihintay ang mga resulta.

Ang mga asymptomatic na may negatibong RT-PCR test at may kumpletong ng 10 day isolation ay pwedeng mapauwi.

“They shall remain in isolation while awaiting results. Those whose RT-PCR is negative, already asymptomatic, and have completed the minimum 10-day isolation may be discharged from isolation,” ayon kay Vergeire.

Dagdag ng Health undersecretary inaalam na rin ng kagawaran ang mga close contacts ng local cases na may positibong RT-PCR test para matukoy kung aling mga sample ang maaaring isailalim sa whole genome sequencing.

Nilinaw rin ng DOH ang naiulat na kaso ng Delta variant sa lungsod ng Taguig.

Ayon kay Vergeire isang ROF na may permanent residence sa Taguig ang naturang kaso.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng Health department kung may local transmission na ba ng Delta variant sa Pilipinas.

Ngunit saad ni Infectious Diseases expert Dr. Rontgene Solante na ngayong may na-detect na local case ng naturang variant posibleng mayroon na ngang local transmission.

Ani Solante base sa mga pag-aaral mula apat hanggang walo katao ang maaaring mahawaan ng indibidwal na may Delta variant.

Saad naman ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National COVID-19 Task Force na may posibilidad rin na underreported o hindi nauulat ang lahat ng kaso ng Delta variant sa bansa dahil sa limitadong genome sequencing.

Subalit ani Vergeire, papalawakin ng DOH ang kanilang kapasidad sa genome sequencing.

 “We are trying to expand our capacity. ‘Yung kapasidad natin ngayon ay 750 runs or samples na na-te-test natin per week. Kapag dumating na iyong mga extraction machines na binili ng Philippine Genome Center, ma-do-doble na ang kapasidad natin to 1,500 per week. Also, we are expanding through our sub-national laboratories to increase their capacity so that they can also do genome sequencing,” ani Vergeire.

Sinabi na rin ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na napaghandaan na ng pamahalaan ang posibleng pananalasa ng naturang variant sa bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *