Bed capacity para sa COVID patients sa NCR, nasa low-risk pa —Dizon

Bed capacity para sa COVID patients sa NCR, nasa low-risk pa —Dizon

IPINABATID ni Vaccine Czar Secretary Vince Dizon, batay sa datos nasa 40% na bed capacity para sa COVID patients ang occupancy sa mga hospital sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ng kalihim, sa kasalukuyan nasa low risk ito at hindi pa mataas bagama’t nagpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID mula sa Delta variants.

“Pero ang Makati ay mataas ang kanilang occupancy ng ICU beds. So titingnan natin, imu-monitor natin nang mabuti ito ‘no kagaya ng ginawa natin noong nakaraang March-April. So babantayan natin nang maigi ito. Pero sa ngayon, nasa green pa ang NCR overall,”ayon kay Sec. Vince Dizon.

Pagdating naman sa isolation facilities, ayon kay Dizon marami pang available na mga beds lalong lalo na ngayon na nagdagdag ang national government ng madaming isolation facilities kabilang dito ang moderate at mild asymptomatic facilities.

Ani vaccine czar, mayroon ding mga ginawa ang mga iba’t- ibang local government units (LGUs) tulad ng napakalaking facilities sa Luneta at sa City of Manila.

‘’So right now, okay pa tayo. Pero kagaya nga nang sinabi natin kanina nang paulit-ulit, kailangan handa po tayo dahil nakita natin ang bilis ng pagtaas ng mga kaso kapag Delta variant ang kumalat kaya dapat handa tayo,’’ayon kay Sec. Vince Dizon.

Samantala, ipinaalam naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang nasabing datos ay nagpapahiwatig kung bakit kailangan sumailalim sa heightened restriction ang NCR dahil sa Delta.

“So ngayon po kung dati ang ating mga classification ay depende lamang sa daily attack rate at saka sa two-week average daily attack rate at saka hospital care utilization rate, iyan pa rin ang formula natin, pero by imposing heightened restrictions, sinasabi po natin talaga pong ibang anyo itong Delta variant, parang 3x more infectious ito than iyong nauna nang UK variant at kinakailangan pong paghandaan,’’ayon kay Sec. Harry Roque.

Binigyang diin ng kalihim na kinakailangan ang pagpapanatili ng mask, hugas at iwas para sa iba’t ibang lokalidad na kailangan paigtingin ang Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR).

SMNI NEWS