Anti-nuisance candidates bill, dapat nang maipasa— Sen. Gatchalian

Anti-nuisance candidates bill, dapat nang maipasa— Sen. Gatchalian

HINDI na dapat mabigyan ng pagkakataon ang nuisance candidates o mga politiko na panggulo lang sa panahon ng eleksyon.

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa kanyang mga kasamahan sa Senado na ipasa na ang kanyang panukalang batas na magtatatag ng ligal na batayan sa pagdedeklara ng mga nuisance political candidates at pagmultahin ang mga ito bilang kaparusahan sa panunuya at paninira sa sagradong proseso ng halalan.

“Isang pribilehiyo ang makapaglingkod sa bayan kaya’t dapat na sineseryoso ito ng sinuman na gustong magserbisyo sa publiko dahil kaakibat nito ang pagsusulong sa kapakanan ng taong bayan at pag-iingat sa kaban ng bayan. Hindi kailanman katanggap-tanggap ang mga gawain na ang intensyon ay halata namang makapanlito lamang o gawing katawa-tawa ang eleksyon,” pahayag ng senador.

Aniya, kahit na nakasaad sa 1987 Constitution ang probisyon na gumagarantiya ng pantay na access para makapaglingkod sa bayan, ang pagtakbo para sa isang halal na posisyon ay isang pribilehiyo at hindi karapatan base sa isang resolusyon ng Korte Suprema.

Dahil dito, hindi aniya katanggap-tanggap ang mga gawain na ang intensyon ay halatang makapanlito lamang o gawing katawa-tawa ang eleksyon.

Sa inihain na Senate Bill No. 726 ng senador ay papatawang ng multang nagkakahalaga ng P50,000 ang sinuman na mapapatunayan ng COMELEC na nangungutya o naninira; naging sanhi ng pagkalito ng mga botante bunsod ng pagkakapareho ng pangalan ng rehistradong kandidato; tumanggap ng pera o iba pang paraan na kanyang mapapakinabangan; at walang maipakitang kakayahan na magpapatunay na seryoso ang kanyang intensyon sa pagtakbo sa halalan.

Napag alaman naman ang counterpart bill para sa nuisance candidates ay naaprubahan na sa Kamara.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *