Coconut Industry Investment Fund
National Uncategorized

Anomalya sa loob ng Coconut Industry Investment Fund, isiniwalat ng isang opisyal

ISINAWALAT ni Mr. Aquilino Trinidad na tumatayong OIC-president ng Coconut Industry Investment Fund -Oil Mills Group ang umanoy malaking anomalya sa loob ng kanilang grupo, bagay na nais nitong paimbestigahan na nauwi naman sa pagkakatanggal sa kaniya sa pwesto dahil sa pangunguna nito na linisin ang kanilang hanay.

Tatlong buwan nang nasa opisina ng Ombudsman ang kanilang reklamo pero hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na tugon dito.

Una dito, ang iligal na pagpapatanggal sa kaniya bilang presidente ng CIIF kung saan pinalitan siya ng dating Corporate Secretary na si Jovencio Evangelista na inihalal ng mga Board of Directors at plant managers ng grupo, bagay na inalmahan ni Trinidad dahil ang pagpapalit dapat na ay galing sa desisyon ni Pangulong Duterte na hindi naman aniya nangyari.

Isa sa mga nakikitang rason para tanggalan si Trinidad ng kapangyarihang mamuno ay dahil sa pagpapatanggal na ginawa nito sa kanilang dating kasamahang opisyal na pinaniniwalaang may kinalaman sa mga anomalya sa kanilang grupo.

Ani Mr. Lino, harassment na maituturing nangyayari sa loob dahil sa sapilitang pagtatanggal sa kanya ng kapangyarihang mamuno sa grupo. Dahil dito apektado ang operasyon dahil sa unti-unting pagkalas ng mga trabahante.

Samantala, ipinananawagan din ni Trinidad ang matibay na pagsisiyasat ng Ombudsman sa kanilang isinampang kaso na usurpation of power laban naman kay Evangelista hindi lang dahil sa desisyong palitan siya sa pwesto kundi ang paggamit ng pangalan at pagpirma ng dokumento na nagpapakilala na siya ang pangulo ng grupo para kunin ang kaniyang per diem para sa kaniyang biyahe patungong Japan na nagkakahalaga ng mahigit na tatlong libong dolyar o katumbas ng mahigit sa P100, 000.

Ayon pa kay Trinidad, may nangangamoy na anomalya ang buong grupo dahil sa mga nalaman nitong report mula sa kanilang internal audit kung saan lumabas na may nawawalang asset na nagkakahalaga ng P5-M, kasama na rin dito ang ghost delivery ng mga kopra at iba pang kwestiyunableng inventories at cash advances.

Pero ang lahat ng ito ay nasa tanggapan naman na ng Ombudsman, gumawa na rin sila ng hakbang na ilapit sa Presidential Anti-Corruption Commission o PACC at maging sa tanggapan ng pangulo, pero hanggang ngayon ay wala pang tugon.

Nahihiya naman daw si Mr. Lino na kulitin ang presidente dahil sa dami ng responsabilidad nito.

Ang pondo ng CIIF-OMG ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Coco Levy Fund.

Isa ang Minola Oil Industry na apektado ngayon sa mga planta ng CIIF na may malaking kontribusyon sa asset nito na nagkakahalaga ng P4 bilyon taun-taon at mahigit sa P1-B sales kada taon na may malaking tulong sa kabuuang pondo na inaasahang magagamit naman ng mga coconut farmers sa buong bansa.

Habang umaasa naman ang opisyal na si Lino na agad na mabibigyan sila ng tugon bilang pakikiisa na rin nila sa laban sa korapsiyon ng Duterte Administration.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *