AFP, warning lang at hindi red tagging ang ginawa kina Catriona at Liza

AFP, warning lang at hindi red tagging ang ginawa kina Catriona at Liza

HINDI sang-ayon ang Malakanyang na red tagging ang ginagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kina Liza Soberano at 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, sabay giit na nagbigay lamang ang AFP ng warning kina Liza at Catriona dahil baka gagamitin ng mga makakaliwang grupo ang kanilang mga adbokasiya.

Dagdag pa ni Roque, sa tingin nito sa statement mismo ng AFP, sinabi naman aniya ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na walang ganoong pahayag na red tagging, bagkus, pinayuhan lamang nito si Soberano na putulin na niya ang ugnayan sa Gabriela Youth.

Mababatid na ginawa ni Parlade ang kanyang pahayag matapos lumahok si Soberano sa isang webinar na inorganisa ng Gabriela Youth.

Maluha-luhang nanawagan si Soberano sa kapwa influencers na maglabas ng kanilang hinaing sa mga isyu na may kinalaman sa mga kababaihan at mga kabataan.

Si Parlade ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ay nag-isyu rin ng kaparehong advice kay Gray.

Iginiit ni Secretary Roque na pinag-iingatan lang ng AFP sina Liza at Catriona na baka magamit sila ng Left-leaning groups.

Gayunman, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na naiintindihan naman ng AFP na nag-a-advocate lamang sina Soberano at Gray para sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan.

“Pero siyempre ingat din po kasi ang talagang, iyong mga Maoists po sa Pilipinas eh talagang kung mayroong puwedeng pagsamantalahan ay pagsasamantalahan nila,” pahayag ni Roque.

Sambit ni Roque, dahil tulad nina Soberano at Gray, suportado rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan ng mga kababaihan kahit pa noong alkalde pa lang ito ng Davao City ng dalawang dekada.

“Pero wala po kaming problema doon sa mga sinasabi nila Liza at ni Catriona dahil ang ating Presidente sinusulong din po ang karapatan ng kababaihan at malinaw po ang track record niya lalung-lalo na noong siya po ay Mayor ng Davao City,” ayon pa ni Roque.

Pahayag ito ng Malakanyang matapos pagsabihan ni AFP Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. si Soberano na mag-ingat sa mga pananalita sa publiko.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *