AFP Modernization Program, hindi maapektuhan ng pandemya

AFP Modernization Program, hindi maapektuhan ng pandemya

NILINAW ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi maapektuhan ang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na ang modernization program nito sa kabila ng pagtama ng pandemya sa bansa.

Aniya, may sapat na pondo ang Pilipinas kaugnay sa COVID-19 response.

Sa katunayan ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang guesting sa SMNI Exclusive ng SMNI News kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy, sinabi nitong walang anumang nagalaw  na pondo na nakalaan na sa pangangailangan ng iba’t ibang ahensya.

Isa na dito  ang AFP  Modernization Program kung saan tuluy-tuloy ang pagpapaganda ng mga pasilidad at kagamitan nito ilang buwan bago ang pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte.

Giit ng Pangulo, ibang pondo ang ginagamit ng pamahalaan sa pagtugon nito sa problema sa pandemya.

Sa kabilang banda, bumuwelta rin si Pangulong Duterte sa mga taga oposisyon kaugnay sa reklamo ng mga ito kung paano hinaharap ng gobyerno ang hamon ng COVID-19 pandemic.

Lumalabas na, nakukulangan ang mga ito sa mga hakbang ng pamahalaan lalo na sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19.

Ayon sa Pangulo, tuluy-tuloy naman ang pag-angkat ng mga bakuna nang tumama ang sakit sa bansa pero nagkakaubusan din sa mga world demand.

Subalit, ngayon ay tila maluwang na aniya ang pag-angkat ng mga kailangang bakuna para sa bansa.

Sa huli, nangako naman ang Pangulo na sunod na paglalaanan ng pondo ng pamahalaan ang mga lugar sa bansa na may mataas na kaso ng COVID-19 bukod pa sa Metro Manila na nananatili pa ring sentro ng mataas na bilang COVID-19  cases.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *