8 recovered case ng Delta variant, nagpositibo muli —DOH

8 recovered case ng Delta variant, nagpositibo muli —DOH

HINDI pa tuluyang nakarekober mula sa COVID-19 ang ilan sa mga Delta variant case na na-detect kamakailan.

Una ng sinabi ng Department of Health (DOH) na wala nang aktibong kaso ng naturang variant sa bansa ngunit matapos isinailalim muli sa testing ang mga pasyente, walo rito ang lumabas na positibo muli sa virus.

Bilang karagdagang screening, muling ini-isolate at isinailalim sa pagsusuri ang mga indibidwal na na-detect kamakailan na carrier ng Delta variant.

Matatandaang 16 katao ang natuklasang nahawaan ng naturang COVID-19 variant sa pinakahuling genome sequencing report ng Philippine Genome Center.

Labing apat rito ang idineklarang “recovered” habang dalawa ang kumpirmadong nasawi.

Sa naturang bilang, siyam ang local cases, 5 naman ang returning overseas Filipino workers.

Kahapon ay inanunsyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may mga nagpositibo muli sa kanila sa COVID-19.

“I like to clarify na walo na po ang nakitaan na positive pa rin sila sa RT-PCR (test). Sila po ay minomonitor sa ngayon at kailangan makakumpleto ng 14 na araw uli na isolation because they have positive results,” pahayag ni Vergeire.

Isa ang mula sa lungsod ng Maynila, 4 ang sa Cagayan de Oro, 1 sa Misamis Oriental habang dalawa ang Returning Filipinos.

Ani Vergeire nanatiling asymptomatic ang mga pasyente.

Mataas rin ang kanilang CT o cycle threshold value na nangangahulugan na mababa na ang kanilang viral load.

Ang CT value ang sukatan ng viral load ng isang pasyente, ibig sabihin kung may mababang CT value, mas mataas ang viral load ng isang indibidwal.

“Most likely hindi na sila ganoon ka-contagious but of course, we’d still like to be very sure that’s why they are now in quarantine and we’re monitoring them,” ani Vergeire.

Hindi pa makakapagbigay ng tiyak na dahilan ang DOH kung bakit nagpositibo muli ang naturang mga pasyente. Ani Vergeire, pinag-aaralan pa nila ito.

Saad  ng mga eksperto posible na magpositibo pa rin sa COVID-19 ang mga indibidwal na naimpeksyon na nito kahit pa natapos na ang kanilang isolation period pero hindi na nakakapanghawa ang mga pasyente.

Dagdag ng Health Undersecretary sa isang panayam, walang naging interaksyon ang mga active cases ng Delta variant sa loob ng kanilang lokal na pamayanan.

Ang mga kumpirmadong recovered naman ay patuloy aniya na mino-monitor ng Health department ang kanilang kondisyon.

Sa ginagawang contact tracing naman ng kagawaran, hanggang Hulyo 19, nasa 91 close contacts na ng 16 na Delta variant cases ang natukoy ani Vergeire.

Walo ang mula sa National Capital Region, sampu sa Region 6, 27 sa Region 10, at 46 na ROFs.

Dagdag ni Vergeire, hinihintay pa nila na makapag-submit ng kumpletong report ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga nasubaybayan nila na close contacts ng isang kaso.

Hindi pa rin masasabi sa ngayon kung may nangyayari na bang local transimission ng Delta variant sa Pilipinas.

Maidedeklara lang ito ng pamahalaan kung makitaan ng ugnayan o linkage ang mga indibidwal na nahawaan ng naturang variant.

Una na ring sinabi ng DOH na posibleng may mga kaso na rin ng mas nakakahawang variant na hindi pa nauulat habang pinapalawak pa ng pamahalaan ang genome sequencing capacity ng bansa.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III kung ihahambing ang sitwasyon ng Pilipinas sa mga karatig-bansa nito na nagkakaroon ng surge sa COVID-19 cases dahil sa Delta variant, mas mabuti ang kalagayan ng Pilipinas.

“Kumpara po sa ibang bansa sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) na nakakaranas ng malubhang pagtaas sa kaso dahil sa Delta variant, sa ngayon kasalukuyan, mas di hamak na mas maayos naman po ang ating kalagayan vis-à-vis the Delta variant,”ayon kay Duque.

Sa ulat ni Duque, patuloy na tinututukan ng mga Health official ang trend ng mga kaso pati na rin ang health system indicators para mas maayos na matugunan ang banta na dala ng naturang COVID-19 variant.

Dagdag ni Duque sa kasalukuyan 0.5% lang ng mga nai-sequence na samples ang Delta variant cases.

Aniya, base sa genome sequencing report ng Philippine Genome Center (PGC), dominante pa rin ang Beta variant, sunod naman ang Alpha variant sa bansa.

Binigyang diin naman ng Health secretary na kailangang istriktong maipatupad ang travel restrictions kabilang na ang screening, testing, at quarantine protocols para sa mga travelers na papasok sa lahat ng points of entry ng bansa.

Hinimok rin ni Duque ang mga local government unit na palakasin pa ang kanilang prevention, detection, isolation, treatment at reintegration strategies, pati rin ang kanilang vaccination efforts lalo nasa mga A1 hanggang A3 categories.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *