60-day ultimatum
National

60-day ultimatum para maisaayos ang mga kalsada sa Metro Manila, simula na ngayong araw

SIMULA na ngayong araw ang itinakdang 60-day ultimatum para sa clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Ito’y bunga ng isinagawang pulong sa pagitan ng labimpitong Metro Manila mayors, MMDA at DILG.

Batay sa panuntunan ng DILG, kailangan maalis ng mga alkalde ang lahat ng obstructions sa mga primary, tertiary at main roads gaya ng Commonwealth Avenue, Osmena Highway, Aurora Blvd., C5 at marami pang iba.

Sunod na kailangang maayos ng mga LGUs ang tertiary at residential areas at maging sa mga sidewalks.

Giit ni DILG Secretary Eduardo Año,  matagal nang napabayaan ng mga LGUs ang usapin ng trapiko sa Metro Manila kung kaya’t nahihirapan ang mamamayan sa lumalalang trapiko sa buong lugar.

Samantala, muling nanindigan ang DILG na mahaharap sa administrative suspension ang sinumang mayor na bigong magagampanan ang direktiba ni Pangulong Duterte na linisin ang kalsada hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa buong bansa.

Tiniyak naman ng DILG kasama na ang mga lokal na pamahalaan na titingnan nila ng maigi ang posibilidad na tulong sa mga apektadong tindero o tindera na mapapaalis sa kanilang mga iligal na pwesto gaya ng pinansiyal na assistance lalo na sa mga nagpapaaral ng mga anak.

Kabilang sa nakiisa sa nasabing pulong ang mga punong Lungsod ng Maynila, Taguig, Pasig, Quezon City, Malabon, Caloocan, Parañaque, Pasay, Muntinlupa, Las Piñas, Marikina, Pateros, Mandaluyong, Makati, San Juan, Navotas at Valenzuela.

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *