3-M Sinovac vaccines, higit 800K ng Pfizer vaccines, darating ngayong araw

3-M Sinovac vaccines, higit 800K ng Pfizer vaccines, darating ngayong araw

NAKATAKDANG dumating ngayong araw ang 3 milyong dosis ng Sinovac vaccines at higit 800,000 dosis ng Pfizer vaccines na pawang binili ng pamahalaan.

Sakay ng chartered flight ng pamahalaan na Philippine Airlines Flight PR 361 ang nasa kabuuang 3 milyong dosis ng Sinovac vaccine.

Ayon sa National Task force Against COVID-19, ang mga naturang bakuna na binili ng Pilipinas ay inaasahang lalapag alas onse kinse ng umaga sa Terminal -2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Habang ang nasa kabuuang 866,970 doses ng Pfizer vaccines na bahagi sa 1,733,940 dosis ng Pfizer na binili ng Pilipinas ay inaasahang darating pasado alas nueve ng gabi sa NAIA Terminal-3 kung saan lulan ito ng Air Hong Kong Flight LD456.

Matatandaan kahapon dumating ang nasa kabuuang 793,900 ng AstraZeneca vaccine doses na donasyon naman ng German government.

Sa bilang ng mga bakuna kontra COVID-19 na dumating, umabot na sa kabuaang 114,245,400 doses na binili at donasyon ang tinanggap ng Pilipinas.

Dahil sa tuloy-tuloy na pagdating ng mga bakuna ay umaapela si NTF chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez sa mga local government unit na tumutok sa pagsasagawa ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakihin pa ang kanilang pagbabakuna sa kanilang mga lugar.

Bukas din ay nakatakdang dumating ang 866,970 doses ng Pfizer vaccines na binili ng pamahalaan.

Nabanggit din ni Secretary Galvez na target ng pamahalaan ang 10 to 15 million vaccine doses ang ituturok sa  darating na National Vaccination Days.

SMNI NEWS