2 shifts ng mga guro sa election day, pinag-uusapan na ng DepEd at COMELEC

 2 shifts ng mga guro sa election day, pinag-uusapan na ng DepEd at COMELEC

NAKIKIPAG-USAP na ang Department of Education (DepEd) sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa posibilidad na pagpapatupad ng 2 shifts para sa mga public school teachers na magsisilbi sa election day sa susunod na taon.

Ito ay matapos ihayag ng Comelec na posibleng palawigin ang voting hours sa 2022 Elections para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa polling precincts, isang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, posibleng kailanganin na magpatupad ng dalawang shifts sa mga guro na magsisilbi bilang election officials upang hindi sila sobrang mapagod at maging maayos ang kanilang pagsisilbi.

Samantala, ayon kay Education Secretary Leonor Briones na nagbigay ng “positive” response ang Comelec sa hiling ng DepEd na bigyan ng mas mataas na bayad at karagdagang benepisyo ang guro na magsisilbi bilang poll officials.

Mga vote counting machines, ipapa-refurbish na

Kinumpirma ng isang opisyal ng Comelec na kinakailangang ipa-refurbish o i-repair ang mga vote counting machines.

Ito anya ay para magamit nang maayos ang mga makina at matiyak na hindi ito papalya sa mismong araw ng eleksyon.

Sinabi ni Comelec Commissioner Antonio Kho na aabot sa 97 thousand ang mga VCM pero marami sa mga makinang ito ang kailangan ng irefurbish.

Samantala kinumpirma din ng Comelec na nakatakda silang bibili ng karagdagang sampung libong VCM para magamit din sa darating na eleksyon sa Mayo sa susunod na taon.

 

SMNI NEWS