2 linggong lockdown sa NCR inirekomenda ng OCTA para maagapan ang pagkalat ng Delta variant

2 linggong lockdown sa NCR inirekomenda ng OCTA para maagapan ang pagkalat ng Delta variant

INIREKOMENDA ng OCTA Research group sa pamahalaan na magpatupad ng dalawang linggong lockdown sa National Capital Region (NCR) habang hindi pa gaano kataas ang bilang ng mga kaso sa gitna ng pagkalat ng Delta variant upang maiwasang lumala pa ang sitwasyon.

Saad ng isang grupo ng mananaliksik kailangang maging maagap sa pagharap sa Delta variant ang pamahalaan para hindi mawala ang kontrol ng bansa sa pandemya.

Umaabot na sa 1,000 ang naitatalang panibagong COVID-19 cases sa Metro Manila kada araw.

Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research group, umakyat sa 1.33 ang reproduction number ng NCR.

Ang reproduction number na one o mataas pa dito ay indikasyon na patuloy na kumakalat ang virus.

Saad ni fellow OCTA Researcher Professor Ranjit Rye, nagkakaroon na ng surge ng COVID-19 cases ang NCR sa gitna ng pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant.

Mariing inirekomenda ng OCTA na magpatupad ng anticipatory, preventive at circuit breaking lockdowns ang pamahalaan upang maiwasang lumala pa ang kasalukuyang sitwasyon ng rehiyon.

‘’Ang suggestion ng OCTA, we should adopt what Australia and New Zealand are doing now. Tingin namin kung gagawin ito over the next two weeks, hindi lang natin mapapababa ‘yung mga kaso, hindi lang natin mapapababa ‘yung mahahawa at mamamatay, masi-save pa natin ang economy kasi napakaikli ng lockdown na gagawin natin,’’ayon kay Dr. Ranjit Rye.

Bumaba na ang reproduction number ng Metro Manila noong nakaraang buwan, 0.6 lamang ito ayon kay Rye.

Ani Rye, kahit hindi pa tiyak na sanhi ng Delta variant ang mga pagdami ng mga kaso, dapat itong mapigilan.

Saad ng propesor, mararamdaman ng mga ospital ang surge kung aabot na ng dalawang libo ang mga kaso kada araw.

Kung hindi magiging maagap ang pamahalaan, babala ni Rye, mawawalasan ng mabisang kontrol sa pandemya ang Pilipinas at magiging katulad nito ang sitwasyon ng mga karatig bansa tulad ng India, Indonesia at Thailand na halos durog na ang healthcare system.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *