2 driver’s license fixer arestado, 3 tauhan ng LTO iniimbistigahan

2 driver’s license fixer arestado, 3 tauhan ng LTO iniimbistigahan

INIIMBISTIGAHAN ngayon ang 3 tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at na-aresto ang 2 driver’s license fixer.

Huli ng pinagsamang pwersa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang fixer ng professional driver’s license sa Quezon City noong Nobyembre 26, 2021.

Sa inisyal na ulat, nakita si alyas “Vill” at ang kanyang kasabwat sa loob ng isang pribadong gusali sa tapat lamang ng bagong-install na ARTAmbayan Outpost sa kahabaan ng Magalang Street sa Barangay Pinyahan matapos matanggap ang marked money mula sa ARTA undercover agent na nagpapanggap bilang Transport Network Vehicle Service  (TNVS) driver Biyernes ng hapon.

Ang mga operatiba ng ARTA ay kumilos sa mga reklamong natatanggap na marami parin daw fixer sa mga tanggapan ng LTO, kung saan isa sa reklamo ay agad namang tinugunan ng Arta na nauwi sa pag kahuli ng dalawang fixer sa LTO Quezon City East Avenue, Metro Manila.

Ayon pa sa awtoridad, siningil ni “Vill” ang undercover agent ng kabuuang P4,500 kapalit ng mabilis na pag-upgrade ng kanyang driver’s license mula hindi propesyonal tungo sa propesyonal na may “sure pass” scheme sa pagsusuri.

Ang normal na rate para sa naturang serbisyo ay karaniwang mas mababa sa kalahati ng nabanggit na halaga.

Samantala, sinabi ng ahente, na sinabihan daw siya na makipag-ugnayan kay “Val” sa Land Transportation Office (LTO) Quezon City Licensing Center para mapadali ang kanyang transaksyon.

Inutusan siya ni “Val’’, na nagsisilbing evaluator sa nasabing opisina, na tumuloy sa lugar ng pagsusuri.

Kitang kita naman sa ipinalabas na footage ang garapalang pagbibigay ng tamang sagot sa ahente para ito’y pumasa.

Dahil dito, pinuntahan mismo ni Secretary Jeremiah Belgica at ang iba pang kasamahan ng ARTA ang LTO Headquarters para iulat sa hepe ng LTO ang nangyayaring katiwalian.

Itinanggi naman ng mga umano’y sangkot na tauhan ng LTO ang akusasyon dahilan sila ay nasa ilalim ng job order status, bagay para imbistigahan din ito ng ARTA.

Samantala, nasa kustodiya na ng CIDG ang dalawang naarestong fixer para sa inquest proceedings at maaaring kasuhan ng paglabag sa Republic Act no.  11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nahuli ng mga operatiba ng ARTA ang mga fixer sa lugar.

Ang kanilang patuloy na pagsubaybay ay nagpapakita ng mas maraming mga target lalo na ngayon na ang kanilang puwersa ay nadagdagan sa mga boluntaryo sa ARTAmbayan Outpost.

Sa ilalim ng batas, ang mga fixer o ang mga kasabwat sa kanila ay papatawan ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong at hanggang PHP2 milyon na multa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *