road users’ tax
National

Road Users’ tax ang dahilan umano kaya hindi naipasa ang 2019 National Budget – Sec. Diokno 

Iginiit ni Budget Sec. Benjamin Diokno na ang road users’ tax ang dahilan kaya hindi naipasa sa takdang panahon ang 2019 National Budget.

Ito ang binigyang diin ni Diokno kung saan pinag-iinitan siya nina House Majority Leader Rolando Andaya at House Minority Leader Danilo Suarez.

Sa economic briefing sa Malakanyang, sinabi ni Diokno na maliban sa isyu ng road users’ tax at panukalang pagbuwag sa Road Board, ginawa din siyang panakip-butas sa natuklasan ni Sen. Panfilo Lacson na insertion ng mga “pet projects” nina Andaya at House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Diokno, inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuwag sa Road Board na nangangasiwa sa road users’ tax dahil sa pananamantala ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Naniniwala ang kalihim na ayaw pakawalan ng mga kongresista ang road users’ tax na nagkakahalaga ngayon ng P45 billion dahil dito nanggagaling ang pondo ng mga road maintenance projects na karaniwang ginagamit sa panahon ng eleksyon.

May hinala si Sec. Diokno na may kinalaman din sa darating na eleksyon sa Mayo ang pagnanais ng mga kongresistang mailabas ang road users’ tax.

Dagdag-sahod at proyekto ng gobyerno apektado ng re-enacted budget – Sec. Diokno

Aminado si Budget Sec. Benjamin Diokno na apektado sa re-enacted budget sa unang quarter ng 2019 ang dagdag sahod ng mga empleyado ng gobiyerno gayundin ang mga infrastructure projects.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Diokno na maaantala ang release ng pondo para sa ikaapat na tranche ng salary standardization ng mga manggagawa ng gobiyerno hangga’t hindi naipapasa ng Kongreso ang 2019 National Budget.

Bukod dito hindi rin aniya masisimulan ang mga proyektong pang-imprastruktura dahil hindi na maituturing na re-enacted ang capital outlay.

Nilinaw ni Diokno na hindi naman apektado ang maintenance and operating expenditures na kinabibilangan ng mga sahod ng mga manggagawa at supplies sa mga opisina.

Hindi rin aniya maaapektuhan ang 600 billion na Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga Local Government Units (LGUs).

SMNI News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *