150 dating mga rebel, sinunog ang bandila ng CPP-NPA sa Cagayan

150 dating mga rebel, sinunog ang bandila ng CPP-NPA sa Cagayan

BILANG patunay ng kanilang katapatan sa pagtalikod sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), sinunog ng 150 dating rebelde ang bandila ng komunistang grupo sa probinsiya ng Cagayan sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan.

Ayon kay Maj. Jekyll Julian Dulawan, officer-in-charge ng Division Public Affairs (DPAO) ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ang nasabing kaganapan noong Pebrero 19 sa Lal-lo, Cagayan.

Aniya, 52 sa mga returnee ay dating Militia ng Bayan (MB) mula sa Barangay Masi, dalawa mula sa Barangay Bural, 18 mula sa Barangay San Juan sa Rizal, 16 mula sa Barangay Balagan, at ang 21 ay mula sa Barangay Calassitan, Sto. Niño.

Ang kabuuang 19 na rebel returnees ay mga dating miyembro ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM), siyam dito ay dating miyembro ng MAKIBAKA, at 13 ay mula sa Kabataang Makabayan (KM).

“Bilang patunay ng kanilang pagbalik loob sa pamahalaan ay kanilang sinunog ang bandila ng teroristang CPP-NPA,” pahayag ni Dulawan.

Nanawagan naman ang isang “Ka Fred”, miyembro ng Indigenous Peoples group “Agta” at isa sa mga rebel returnee mula sa Barangay San Juan, Rizal, sa communist terrorist group (CTG) na ihinto na ang pangha-harass at paggamit sa kanilang komunidad at hayaan na lamang silang mamuhay na mapayapa.

Ayon kay Ka Fred, sila ay peace-loving IP tribes at nais nilang makapag-isa at malayo mula sa banta ng CPP-NPA terrorists.

Nagpahayag din ng kanyang suporta si Cagayan Governor Manuel Mamba sa mga residente sa pagkondena sa mga teroristang grupong CPP-NPA at hindi tinatanggap ang nasabing grupo sa kanilang mga barangay at ng buong probinsiya.

Nakapagdesisyon na tumiwalag ang dating mga rebelde mula sa CTG sa pamamagitan ng tulong ng 501st Infantry Brigade, pamahalaang probinsiyal ng Cagayan, at ng Philippine National Police.

Ayon naman kay Col. Steve Crespillo, commander ng 501st Infantry Brigade, na isang malaking tulong sa pagtugon sa terorismo sa lugar ang desisyon ng 150 na dating rebelde.

“Sa tulong ng mga programa ng pamahalaan, sama-sama nating isulong ang pag-unlad sa inyong mga lugar. Tulong-tulong tayo sa pagkamit ng ating pangarap na maayos na pamumuhay at itaboy ang teroristang CPP-NPA papalayo mula sa inyong lugar,” ayon pa kay Crespillo.

Samantala, nangako naman ang PNP na patuloy silang magbigay ng proteksyon sa mga tumalikod sa CPP-NPA at nagbalik-loob sa gobyerno.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *