Sotto
National

SP Sotto, ikinatuwa ang pahayag ng pangulo na hindi lalagdaan ang 2019 GAA

Ikinatuwa ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito lalagdaan ang isinumiteng kopya ng House na 2019 General Appropriations Act (GAA) na pirmado ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ng pangulo na hindi niya ito lalagdaan dahil may illegal act na naganap.

Inamin ni Sotto na natanggaap na ng kanyang tanggapan ang isinumiteng kopya ng House na 2019 GAA o National Budget na may lagda na ni House Speaker Arroyo.

Ani Sotto pinag-aaralan na ng kanyang legal counsel kung may ginawang realignment ang liderato ng kamara matapos ang kanilang isinagawang bicam at pagratipika sa budget.

Nakarating sa kaalaman ng senado na matapos ang bicam muling ginalaw ng kamara ang budget ng mga kongresista sa kanilang mga distrito.

Aniya nagkaroon ng dagdag bawas base sa nakuhang impormasyon nina Senador Panfilo Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Binawasan ng budget sa distrito ang mga kongresista na kaalyado ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez samantalang dinagdagan naman ng budget ang mga mambabatas na kaalyado ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Iginiit ni Sotto na kapag napatunayan na ginawa ito ng house hindi nito lalagdaan ang 2019 GAA dahil sa labag ito sa konstitusyon.

Aniya hindi maaring galawin ng Kamara ang budget kapag ito ay aprubado na sa bicam.

Kaya naniniwala ang senador na tama lamang ang gagawing hakbang ng pangulo na huwag lagdaan ang isinumiteng kopya ng 2019 GAA ng Kamara de Representante.

SMNI News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *