Opisyal nang bumaba
National

Sen. Koko Pimentel III, opisyal nang bumaba sa kanyang puwesto

Opisyal nang bumaba sa kaniyang posisyon bilang senate president si Senator Aquilino Koko Pimentel III, kasabay ng pagbibigay ng kanyang pabor sa susunod na pangulo ng senado na si Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III.

Aniya, wala siyang pinagsisisihan at naging masaya naman siya sa mahigit sa isang taon niyang liderato sa senado.

Pinasalamatan nito ang kanyang mga kasamahan sa senado sa mahigit na isang taong pagsuporta ng mga ito sa kanyang liderato partikular na sa majority bloc na kinaaaniban nito.

Ayon sa senador, malaki ang naging papel ng PDP-Laban sa kanyang pagkakaupo sa puwesto para mapanatiling iisa ang suporta na ibibigay nito sa mga adhikain at programa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang naging maiksing statement, aminado siya na darating ang araw na papalitan siya sa posisyon at wala naman itong pagtutol sa napipintong pagtalaga kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III dahil sa malawak na rin nitong karanasan sa senado.

Sa katunayan ay personal na nagbigay si Pimentel ng kanyang paalala at mensahe na gawin ni Sotto ang nararapat at ipagpatuloy ang nasimulang pagbabago sa loob ng mataas na kapulungan ng kongreso.

Malugod na ipinagmalaki pa ni Senator Koko Pimentel na ito ang araw na magkakaroon ng isang tahimik at mapayapang pagpapalit ng kapangyarihan sa senado.

Sen. Tito Sotto, susunod na pangulo ng senado

Nanumpa naman bilang bagong pangulo ng senado si Senate Majority Floor Leader Tito kapalit ng nagbitiw na si Senator Koko Pimentel.

Sa kanyang mensahe, ay nagpasalamat siya sa pagkakataon na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang mga kasamahan sa senado.

Inaasahan na agad maipapasa bilang batas sa susunod na linggo ang mga nakabinbing panukala bago mag-recess ang senado.

Nangako ito na ipagpapatuloy ang pagsasabatas ng mga makataong panukala partikular na ang usapin sa Bangsamoro Basic Law o BBL, pag-apruba sa Occupational Safety Law, Universal Health Package Law

Malaking Hamon

Aminado si Senate President Tito Sotto na malaking hamon sa kaniya ang pamunuan ang senado na binubuo ng iba’t ibang personalidad at partido.

Pero sisikapin nitong tuparin pa rin ang programa ng Administrasyong Duterte para sa mga mahihirap, frontliners ng bansa gaya ng pulis at militar, pati guro

Dagdag pa nito, hindi rin bast-basta ang sinundan niyang mga personalidad sa nasabing posisyon.

Hindi Abogado

Aminado rin siya na hindi man siya abogado gaya ng ibang mga senador na may kaparehong hinawakang posisyon, pero magkakatalo naman daw ito sa mga panukalang batas at resulta ng kanyang magiging trabaho

Hiling niya sa publiko, huwag siyang husgahan dahil kung karanasan lang naman ang pag-uusapan, ay malawak naman daw ang kaniyang naging papel sa senado mula sa minorya hanaggang sa posisyon sa mayorya.

Ulat ni : Pol Montibon

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *