Palasyo
National

Palasyo, inatras ang pahayag kaugnay sa pagdating ng NFA rice sa merkado

Binigyang linaw ng Malakanyang ang naunang pahayag nito na nakapasok na sa merkado ang mga inangkat na bigas ng pamahalaan mula Vietnam at Thailand na nasa Subic pa ayon sa National Food Authority.

Ayon kay Roque, “Nagkaroon na po ng kumpirmasyon na nakapasok na sa merkado ang mas murang NFA rice, nasa merkado na po ang kinalap ng ating NFA na bigas na 250,000 metric tons galing vietnam at Thailand at ngayon po ay bumibenta ng from 38 to 36 pesos sa merkado.”

Nilinaw ng Malakanyang ang unang pahayag nito na nasa merkado na ang 250 metric tons na bigas na inangkat ng pamahalaan mula Vietnam at Thailand.

Ito ay ayon sa paglilinaw na natanggap mismo ng Palasyo mula sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nasa Subic pa ang mga bigas at hindi pa ito naibaba dahil na rin sa masamang panahon na naranasan ng bansa nitong nakaraang araw.

Ayon kay Roque, “Per clarification from the Department of Agriculture, commercial rice is now at P36-P38 as a result of the arrival of the 250,000 metric tons of NFA rice from Subic. However, the rice in Subic has yet to be unloaded because of last week’s incessant rains. Once unloaded, it will be sold at NFA price of P27-P32.”

Magugunitang tumaas ang presyo ng commercial rice sa merkado kasunod ng pagnipis ng suplay ng bigas ng NFA nitong unang quarter ng taon.

Unang pinabulaanan ng National Food Authority ang ulat ng Malakanyang na mabibili na sa merkado sa Metro Manila ang mga murang imported na bigas ng NFA mula Vietnam at Thailand.

Sinabi ni NFA Spokesperson Rex Estoperez, nakatakda pa lang sa Miyerkules, June 20, ang pagdiskarga ng mga bigas na lulan ng barko na nakadaong sa Manila Port noon pang nakaraang linggo.

Kapag naibaba sa barko, isa hanggang 2 araw pa bago maibaba sa mga pamilihan ang NFA rice dahil susuriin at i-iimbentaryo pa ito.

Sinabi ni Estoperes na hindi pa naman nagbabago ang presyo ng NFA rice na nasa 27 kada kilo ang mababang klase habang ang mas magandang bigas ay nasa 32 pesos ang kilo.

Hannah Jane Sancho

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *