minimum wage
National

Pagtaas ng minimum wage, pag-aaralan

Masusing pag-aaralan ng Malakanyang ang hiling ng labor groups na taasan ang minimum wage ng mga manggagawa sa bansa.

Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque maraming mawawalan ng trabaho kapag itataas ang suweldo kaya kailangan talaga aniyang pag-aralan munang maigi ang naturang apela.

Dagdag pa ni Roque, hindi sila maaaring magpatupad ng National Minimum Wage dahil meron nang umiiral na batas na bumuo ng mga Regional Wage Boards.

Kung kaya, ani Roque dapat aniyang magkaroon ng bagong batas ang kongreso para sa hirit na ibalik ang national minimum wage.

Sa kasalukuyan, hangga’t wala pang bagong batas, ang wage increases ay kailangang ipatupad sa isang regional basis.

Inatasan naman ng Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng regional wage boards na magtipon at pag-aralan kung ano ang dapat gawin sa minimum wage.

Gayunman, inihayag naman ng Palace Spokesman na kung pag-uusapan ang legalidad ay malayong mangyari na ipatupad ang P750 na national minimum wage.

Samantala, una nang isinusulong ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP ang P800 nationwide minimum wage ng mga manggagawa dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin bunsod ng tax reform for acceleration and inclusion o train law.

Cresilyn Catarong

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *