TNCS
Metro

Pagregulate sa pasahe ng mga TNCS, nasa kamay na ng LTFRB

Binigyan na ng “full authority” ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-regulate o kontrolin ang singil sa pasahe ng mga Transport Network Companies o TNCS.

Sa isang inilabas na department order ng Department of Transportation (DOTr) ay inatasan nito ang LTFRB na i-regulate ang pagsunod ng mga TNCs sa mga ipinatutupad na polisiya at batas.

Partikular na pangungunahan ng LTFRB ang pagbibigay at kanselasyon ng prangkisa, ruta, operating conditions, at pagmumulta.

 Sa isang pahayag sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na bagama’t may negosyong pino-protektahan ang mga TNCS, ay may responsibilidad din ng estado na protektahan ang kapakanan ng mga mananakay.

 Ayon sa  kanya, “Kapag pumasok ka sa public transport, may pananagutan ka. Kaya mahalaga na may regulasyon para nababantayan at nasisiguro natin na walang naaagrabyado. Gusto mo ba na ikaw legal na naghahanap-buhay pero ‘yung iba hindi? Siyempre gusto natin patas ang playing field at patas ang kompetisyon.”

Kaugnay nito, siniguro naman ng LTFRB sa mga TNCS at taumbayan na dadaan sa public consultation bago itataas o ibaba ang singil sa pasahe.

Iginiit ni LTFRB Chairman Martin Delgra na hindi na mauulit ang nangyari sa mga nagdaang taon kung saan ang mga TNCS lamang ang nagdidikta sa presyo ng kanilang pasaheng sinisingil.

 

SMNI News

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *