rehabilitasyon
National

P1.36-B, budget sa anim na buwang rehabilitasyon ng Boracay

Umaabot sa 1.36 bilyong piso ang kabuuang budgetary requirement para sa anim na buwang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay.

Ito ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ay base na rin sa iprinesenta ng Task Force Boracay sa naganap na inter-agency meeting.

Ayon kay Diokno, saklaw ng naturang pondo ang pagbibigay ng social safety nets, pagtitiyak sa kalusugan at sanitasyon, pag-decongest sa isla, pagpapatupad ng rule of law, pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder, at paggawa at pagpapatupad sa medium-term rehabilitation and recovery program.

Ang budgetary requirement para sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Boracay ay magmumula sa pondo ng mga ahensya ng gobyerno na bahagi ng rehab at maaari ring magmumula sa contingent fund o calamity fund.

Tiwala naman si Diokno na mas magiging sentro ng atraksyon sa mga turista ang muling pagbubukas ng Boracay pagkatapos ng rehabilitasyon nito.

Paglilinaw pa ng budget chief, hindi pa rin magtatapos ang rehabilitation efforts ng pamahalaan kahit pa sa pagbubukas ng isla pagkatapos ng anim na buwang rehab.

Isang long term plan aniya ang kailangan pang gawin para matiyak ang kagandahan ng isla.

Target ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na istraktura at mapapanatili ang kaayusan ng kapaligiran.

Nagpapatuloy naman ang pagpapatayo ng major infrastructure projects sa lugar kung saan inilabas na ng DBM ang P490-M budget sa Department of Public works and Highways (DPWH).

Cresilyn Catarong

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *