Maglalatag ng checkpoints
Metro

Mahigpit na seguridad sa Pista ng Nazareno, ilalatag ng mga otoridad

Maglalatag ng checkpoints ang Manila Police District (MPD) sa mga pangunahing lugar sa Maynila at sa mga kalapit na lungsod.

Ito ay bahagi ng mas mahigpit na seguridad sa Pista ng Itim na Nazareno kung saan milyung-milyong deboto ang sasama sa Traslacion sa Enero 9.

Ilalatag ang checkpoints sa boundaries ng Maynila gayundin sa Makati, Mandaluyong, San Juan, Quezon City at Navotas.

Pinaalalahanan ni MPD Director Senior Superintendent Vicente Danao, Jr. ang mga debotong sasama sa Traslacion na bawal ang colored water containers kaya’t pinapayuhan ang mga ito na magdala lamang ng transparent na drinking bottles.

Ipinagbabawal ang mga patalim o anumang matutulis na bagay, baril, paputok at backpacks.

Nakaalerto rin aniya ang mga otoridad sa taunang prusisyon bagaman walang naiulat na banta sa Traslacion.

Hinikayat ni Danao ang mga deboto na agad na isumbong sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang bagay na kanilang mapapansin sa kasagsagan ng Traslacion.

AFP at PCG, tutulong sa pagbibigay ng seguridad sa Pista ng Nazareno

Magbibigay din ng seguridad sa kasagsagan ng Pista ng Itim na Nazareno sa Miyerkules ang dalawang libong sundalo.

Ayon sa pinuno ng joint task force-NCR ng AFP na si Brigadier General Abraham Casis, magiging katuwang ng 7,200 pulis ang mga sundalo para matiyak ang kaayusan sa Traslacion.

Sinabi ni Casis na mananatili silang nakaalerto sa pista bagaman wala silang namonitor na anumang banta sa taunang prusisyon.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa Manila Police District para sa contingency plan para sa Traslacion na inaasahang dadaluhan ng mga deboto.

Kaugnay nito, nagdeploy naman ang Philippine Coast Guard ng mga floating asset sa Pasig River at Manila Bay.

SMNI News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *