Kilos protesta
National

Kilos protesta, isinagawa sa tapat ng PICC bilang pagkondena sa Comelec

NAGKAISA sa isang kilos protesta ang iba’t ibang grupo bilang pagkondena sa umano’y mga iregularidad na naitala sa naganap na 2019 mid-term elections.

Sumugod sa PICC kaninang umaga ang mga kasapi ng Liberal Party, Akbayan, Tindig Pilipinas at Silent Majority para tuligsain ang Comelec hinggil sa naging resulta ng katatapos lamang na 2019 midterm elections.

Suot ng karamihan ang itim na damit dala ang kani-kanilang karatula na kumukwestyon sa 7 oras na delay sa transparency server ng Comelec, ang mga depektibong SD cards, at ang desisyon ng komisyon na gawing minority party ang National People’s Coalition o NPC na kilalang taga-suporta ng administrasyon.

Kinuwestyon din nila ang pagbalewala ng Comelec na isalang ng random manual audit ang mga partylist hindi gaya ng pagpayag ng poll body sa mga senatoriable na isalang sa RMA.

Punto ng grupo, importante sa kanila ang RMA dahil dito nila matitingnan kung tama ba ang bilang ng mga botong kanilang nakuha.

Samantala, dapat naman umanong panagutin ang supplier ng secure digital (SD) cards na ginamit sa midterm elections.

Ito ang iginiit ni Senador Aquilino Pimentel matapos pumalya ang mahigit isang libong SD cards sa kasagsagan ng halalan noong Lunes.

Bukod aniya sa penalty ay hindi rin dapat bayaran ng buo ang mga depektibong SD cards noong eleksyon

Sinabi ni Pimentel na titingnan din nila ang kasunduan sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at supplier ng SD cards.

Posible rin aniyang mapanagot ang mga commissioner ng poll body kapag napatunayang hindi na-tsek nang mabuti ang memory cards.

Nakatakda namang dinggin sa Hunyo 24 ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System ang mga problema noong eleksyon.

MJ MONDEJAR

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *