MMDA
National

Intelligent Traffic System, solusyon sa traffic congestion – MMDA

Target ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon ng modern technology na makatutulong sa problema sa matinding trapik lalo na sa Metro Manila.

Kaugnay nito inimbitahan ni MMDA chairman Danilo Lim si Dr. Kim Wan Jib, director ng Seoul Metropolitan Government para ibahagi ang mga oportunidad ng Intelligent Transport System (ITS) ng bansa.

Sa isang forum,  sinabi ni Lim na kailangan ng metro cities sa bansa na magpatulong pagdating sa modernong teknolohiya na ginagamit sa ibang bansa gaya na lamang sa Seoul,  Korea.

Paliwanag ni Lim, dalawampung taong nakalipas ay naging dating problema rin ng Seoul ang sobrang trapik gaya ng dito sa Metro Manila.

Nais ng MMDA chairman na pagsama-samahin ang ginagawang pagsisikap ng MMDA, lokal na pamahalan, mga eksperto at iba pang kinauukulan para matugunan ang problema sa matinding trapiko.

“Sa talagang dami ng tao, dami ng sasakayan. Inimbita natin siya para magsalita. We want to integrate all efforts para ma-address ang traffic problems. Mahirap gumawa ng mahusay na solusyon sa trapik kung padami nang padami ang sasakyan.” – Danilo Lim, Chairman MMDA

Gayunpaman, aminadong malaking pondo ang kailangan para sa modernong teknolohiya na tutugon sa pangangailangan para sa pagresolba ng trapiko sa Metro Manila.

Sabi pa ni Lim,  sa Seoul, South Korea ngayon ay mayroon na silang mahigit pitumpung libong camera sa lansangan habang ang Pilipinas ay hindi aabot sa tatlong daang camera lamang ang na-install sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila.

Pero ani Lim, wala namang masama kung mangarap at makakamit lamang aniya ito kung magtutulungan at simulan agad ang unang hakbang.

Samantala, iprinesenta naman ni Dr. Kim Wan Jib ng Seoul Metropolitan Government ang Transportation Operation and Information Service (topis), ang Integrated Traffic Management Center na nag-o-operate at nangangasiwa sa sitwasyon ng trapiko sa Seoul.

Base sa datos ng MMDA, tumataas kada taon ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan na nagdudulot ng matinding trapik.

Ang average annual daily traffic sa circumferential at radial roads ay nasa 2.5 million vehicles noong 2015, tumaas naman sa 2.628 vehicles noong 2016, at lumobo pa sa 2.699 vehicles noong taong 2017.

Cresilyn Catarong

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *