Business

Impluwenisya ng ‘millennials’ sa pagnenegosyo

Ni: Maynard Delfin

Binansagang Millennials ang mga kabataang ipinanganak mula 1980s hanggang 1990s.  Tinatawag din silang Generation Y o ‘millennial generation’.
Ang salitang millennial ang ginagamit na deskripsyon sa isang indibidwal na lumaki at nagkaisip sa panahon ng ika-21 na siglo.  Ang eksaktong panahon ng mga millenial babies ay nagkakaiba batay sa kung sino ang nagbibigay ng kahulugan nito.
Para kina Neil Howe at William Strauss, ang mga may-akda ng libro na nailimbag noong 1991 na Generations:The History of America’s Future, 1584 to 2069 at nagpasimula ng salitang millennial, ang mga ‘millennia’ ay mga indibidwal na ipinanganak sa pagitan ng 1982 at 2004.
Pagkakakilanlan ng Gen Y
Sinasabing malaki ang exposure ng Gen Y na kabataan sa teknolohiya tulad ng internet at iba pang mga makabagong gadget gaya ng computer, smart phone, computer games, at iba pang social media networking websites—Facebook, Twitter, at Instagram.
Kung may kapintasan ang mga Millennials, ito marahil ang pagiging tamad ng ilan.  Ang iba naman ay “narcissistic” o mga indibidwal na gandang-ganda o bilib na bilib sa sarili.  May ilan din namang di kayang magtagal sa isang trabaho.
Ayon sa pag-aaral, mas nakatuon ang mga kabataan ngayon sa mga usapin na may kinalaman sa pera, kasikatan, at pagkahilig sa mga materyal na bagay. Madalas ngang tinatawag ang mga kabataang ito na “generation me.
Pinagkakagastusan at libangan
Karamihan sa Millennials ay hindi gastador (not big spenders). Mas pinahahalagahan nila ang mga magagandang karanasan kaysa sa pagbili o pag-iipon ng mga gamit.  Nagdudulot ng mas labis na kasiyahan ang kanilang pagse-selfie kaysa sa tulad ng pagbili ng bagong kotse o relo ng kanilang mga magulang.
Sa halip na pagbili ng personal na gamit, mas pinagsusumikapan ng millennials na makaipon para sa kanilang mga paglalakbay, libangan, at pagkain.  ‘Di makakaligtaan ang pagkuha ng mga larawan sa lahat ng kakainin o napuntahan at ang mabilis na pagpopost o pagshare sa Facebook, Instagram, at iba pang social media sites.
“If you’re a foodie, you can go out and have some incredible dining experience, and then you can curate it almost as if it were a thing,” ayon kay Howe.  Ito marahil ay isa sa mga dahilan bakit mas dumarami ang mga kainan (fast food chains and restaurants) na nangangailangan ng mas maraming crew.
Pagkalinga sa komunidad
Batay sa mga survey, di masyadong interesado ang millennials sa tradisyonal na pulitika, bagkus sila ay mas may puso sa pangangalaga sa kanilang komunidad at pagboboluntaryo.
Ayon kay John Della Volpe, direktor ng polling sa Harvard University Institute of Politics, marami sa millennials ang nais na makapagbigay ng serbisyong pampubliko, lalo na sa komunidad.  Mas sensitibo din sila sa mga usapin tulad ng cultural at racial diversity maging sa mga isyu ng gender sensitivity at equality.
Tungo sa pag-unlad
Sa pagkakaroon ng Pilipinas ng millennials na masigasig, may positibong pananaw, at may natatatanging kakayahan sa pagpapayabong ng mga negosyo, di nalalayong makamtan ng Pilipinas ang maunlad na ekonomiya sa mga susunod na dekada.
Nabanggit ni Maybank Group CEO Datuk Abdul Farid Alias sa isang ASEAN conference, “The Philippines is on the cusp of an economic transformation and the key driver will be its favorable demography.”
Dagdag pa ng opisyal na ang Pilipinas ay may batang populasyon na karamihan ay may median na 23 anyos at may bumababang fertility rate.  Mga dahilan ito ng pagtaas ng bilang ng mga nagtatrabahong nasa hustong gulang na magsusulong ng domestic demand at patuloy na paglago ng ekonomiya.
Napapanahong pag-iisip
Sa lugar ng trabaho, malaki ang naiiambag ng mga millennial, dahil malikhain ang mga ito.  Alam nila kung ano ang “trending” at ano ang “next big thing” at nakahahawa sa iba ang kanilang pagiging masigasig.  60% sa kanila ang naniniwala na mapag-aaralan ang pagbabago sa nakasanayan or innovation at handa silang pangunahan ang paggamit ng makabagong mga sistema at mga teknolohiya.
Wika pa ni Araceli Vizcaino, marketing manager ng Azazie tungkol sa mga millennial, “The Millennial generation believe that innovation can be learned and takes discipline, not spontaneous inspiration. They are willing to develop an innovation plan rather than sit back and wait for it to happen.”
At dahil na rin dito, madali silang makibagay sa anumang pangyayari, anumang bagong “trend” at “innovation” na  lumabas sa merkado, at hindi sila madaling maligalig sa mga ganitong kaganapan.
“Millennials have lived in a time of change and evolution, so they’re used to it.  They take unexpected circumstances in stride,” ayon pa din kay Vizcaino.
“This means that millennials can come up with new solutions for new issues, creating a culture that doesn’t rely too much on the status quo,” aniya pa.
At higit sa lahat, “fun-loving” ang bagong henerasyon, at kapag masaya ang isang millennial sa kanyang trabaho, natitiyak na magiging produktibo at maaasahan ito sa kanyang mga tungkulin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *