misencounter
National

DILG, DND, PNP at AFP, bumuo ng probe team para sa  misencounter sa Samar

Bumuo ng apat na probe team ang DILG, DND, PNP at AFP na mag-iimbestiga sa nangyaring misencounter sa pagitan ng tropa ng Philippine Army at pulisya sa Sta. Rita, Samar.

Sinabi ni DILG Officer-in-Charge Secretary Eduardo Año na kanila nang ipinatawag ang lahat ng concerned officials para magpaliwanag kaugnay sa naganap na madugong sagupaan na ikinasawi ng anim na pulis at siyam na iba pa ang nasugatan.

Ayon kay Año, may ipinatutupad na protocol sa pagitan ng PNP at AFP sa bawat operasyon kaya’t nalulungkot ito sa nangyaring barilan at nagpatayan ang kapwa kawal ng gobyerno.

Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si año at tiniyak na tatanggap ng benepisyo ang mga naulilang pamilya ng mga nasawing pulis.

Ipinag-utos na rin ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang pagbuo ng investigating team.

Army Lieutenant na nanguna sa misencounter, sinibak

Sinibak na sa puwesto ang Philippine Army Lieutenant na nanguna sa misencounter sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police.

Sinabi ni 8th Infantry Division Spokesperson Captain Francis Agno, ni-relieve na sa puwesto ang commander ng Charlie Company, 87th Infantry Battalion na si 1st Lt. Orlando Casipit.

Ayon Kay Agno, ito ay upang bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon.

Kabilang din sa sinibak ang labing-anim na sundalo na sangkot sa operasyon.

Tumanggi naman si Agno na sabihin na may lapses o kakulangan sa panig ng sundalo sa nangyaring misencounter.

Pangulong Duterte, bibisita sa 6 na pulis na namatay sa misencounter

Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anim na pulis na namatay sa mis-encounter sa pagitan ng mga sundalo sa Sitio Lunoy, Barangay Rosal, Villareal, Samar.

Ito ang pahayag ng pangulo sa harap ng mga bagong halal na barangay captain sa region 9 sa Zamboanga del Sur.

Ayon sa pangulo, isasama niya sa pagbisita ang army para ipakita ang camaraderie dahil hindi naman sadya ang nangyaring insidente.

“Punta ako dun and I want the army to go with me to visit the hmmm… ‘yung naigo. Hindi naman sinadya yan e. Just the same you have to show the camaraderie.” – Pres. Rodrigo Duterte

Hindi naman nabanggit ni Pangulong Duterte kung kailan ito bibisita sa Samar.

SMNI News

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *