DepEd, aminadong may krisis sa edukasyon na kinakaharap ang bansa

DepEd, aminadong may krisis sa edukasyon na kinakaharap ang bansa

AMINADO ang Department of Education (DepEd) na may krisis sa edukasyon na kinakaharap ang bansa.

Pagbibigay-diin ng DepEd, mahalagang tanggapin na may problema na kinakaharap upang matugunan ang mga ito.

Tinukoy ng DepEd ang ilang mga health concerns na kinakaharap ng mga estudyante partikular na sa elementarya.

Upang matiyak ang kalusugan ng mga bata, kanilang inilunsad ang “Oplan Kalusugan: OK sa DepEd” at “Healthy Learning Institutions.”

“Mayroon tayong krisis sa edukasyon. Huwag po tayong magmaang-maangan, huwag tayong magkunwari na wala tayong krisis sa edukasyon. Mayroon tayong krisis,” pahayag ni Usec. Epimaco Densing III ng DepEd.

Ito’y inihayag ni Densing sa paglulunsad ng “Oplan Kalusugan: OK sa DepEd” at “Healthy Learning Institutions” sa Quirino High School, Quezon City nitong Martes.

Ayon kay Densing, mahalaga na tanggapin na may kinakaharap na krisis sa edukasyon ang bansa upang mabigyan ng solusyon ang mga problema na kinakaharap ng sektor.

Isa na rito aniya ay ang kalusugan ng mga estudyante.

“Dahil kung hindi natin tinanggap na may problema tayo sa ating sektor, wala rin tayong magagawang paraan o mga solusyon na gagawin. Tanggapin natin na mayroon tayong krisis hindi lamang sa pag-uunawa ng ating mga kabataan na magkaroon ng kaalaman kundi kasama na rin dito, nakapagpadagdag ay ang kalusugan ng ating mga kabataan,” ayon kay Densing.

Kahapon inilabas ng DepEd ang listahan ng mga pinakakaraniwang health concerns ng mga estudyante sa elementarya.

Batay sa huling datos ng health division ng mga paaralan, ilan sa mga health concern ng mga estudyante ay ang pagkasira ng ngipin, lice infestation o pagkakaroon ng mga kuto, at sipon.

Mga karaniwang health concerns ng mga elementary student:

  1. tooth decay 80.1%
  2. lice infestation 32.2%
  3. colds 28%
  4. cough 22.5%
  5. earwax build 10.5%
  6. pale conjunctiva 7.8%
  7. tinea flava 4.4%
  8. minor injuries 2%
  9. abnormal enlargement of lymph nodes 0.9%
  10. skin allergies 0.3%

SOURCE: DepEd

Isa rin ang malnutrition sa tutugunan ng DepEd at tututukan din ng kagawaran ang mental health ng mga estudyante.

“Pinapahalagahan natin hindi lang ‘yung kalusugan ng bata physically but definitely also mental health. There is also driven improvement in our schools last August 22. Sinigurado natin na meron tayong mga psychosocial support activities na ginawa para makita kung handa talaga ang ating mga learners sa pagbabalik ng school lalung-lalo na marami sa kanila hindi nakikipaghalubilo doon sa ibang learners,” pahayag ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng DepEd.

Nitong Martes, inilunsad ng DepEd ang “Oplan Kalusugan: OK sa DepEd” at “Healthy Learning Institutions” sa Quirino High School, Quezon City.

Layon nito na matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga estudyante sa loob ng mga paaralan katuwang ang Department of Health (DOH) at iba pang government agencies.

Pagbibigay-diin naman ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte sa kanyang mensahe na inaasahan niyang makatatanggap siya ng mga resulta ng nangyaring consultative workshop na nagbubuod sa mga isyu, concerns, at rekomendasyon mula sa mga health at nutrition personnel, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“I look forward to receiving the results of your consultative workshop summarizing the issues, concerns, and recommendations from regional school health and nutrition personnel, including the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao,” pahayag ni VP Sara.

Follow SMNI NEWS in Twitter