Chief Justice Maria Lourdes Sereno
National

Chief justice Maria Lourdes Sereno, balik-trabaho na

Balik na sa trabaho si Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos ang nasa dalawang buwan nitong leave of absence.

Nagtungo ang punong mahistrado sa Korte Suprema para bumalik sa kanyang opisina.

Panandalian namang humarap sa kanyang mga taga-suporta si Sereno na nasa paligid lamang ng tanggapan ng Korte Suprema.

Mag-aalas onse naman ng lisanin nito ang kanyang opisina.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno na magpre-preside ang punong mahistrado sa en banc session ngayong darating na Biyernes kung saan nakatakdang desisyunan ng mga mahistrado ng SC ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General laban sa kanya.

Pagbabalik-trabaho ni CJ Sereno, nirerespeto ng Malakanyang

Nirerespeto ng Malakanyang ang ‘separation of powers’ ng tatlong sangay ng gobyerno.

Ito ang iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque base na rin sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan kinikilala aniya nito ang judicial independence.

Ayon kay Roque, ‘internal matters’ sa kataas-taasang hukuman ang naging desisyon ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na pagbabalik-trabaho nito matapos ang mahigit dalawang buwang pagbabakasyon maging ang ruling ng quo warranto petition laban sa punong mahistrado.

Ang pagbabalik-trabaho ni Sereno ay nangyari dalawang araw bago ang gagawing botohan ng mga mahistrado ng Supreme Court sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida sa chief justice.

Sa kabilang banda naman, sinabi ng legal counsel ni Sereno na si Atty. Carlo Cruz na ang pag-leave ni Sereno ay bilang paghahanda na rin sa inihaing impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon na wala naman aniyang basehan.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *