Usman
National

Bagyong Usman, posibleng maglandfall bukas sa Eastern Samar

Bahagyang bumagal ang Tropical Depression “Usman” habang patungong Eastern Visayas.

Huling namataan ang sentro ng bagyo, 450 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao Del Norte o 440 kilometer silangan timog silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 65 kilometro kada oras.

Kumikilos si Usman pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Nakataas ang signal no. 1 sa ilang bahagi ng Luzon na kinabibilangan ng Romblon, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Masbate, kasama ang Ticao at Burias Islands.

Gayundin sa ilang parte ng Visayas, kabilang ang Eastern at Northern Samar , Biliran, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu, kasama ang Camotes Islands, Aklan, Capiz, Northern Iloilo at Northern Negros Occidental.

Nasa ilalim din ng signal no. 1 ang dinagat island sa Mindanao.

Posibleng maging tropical storm si Usman bago ito maglandfall sa Eastern Samar, bukas.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa pagitan ng linggo ng gabi o lunes ng umaga.

NDRRMC nasa blue alert na dahil sa Bagyong Usman

Nakataas na sa blue alert status ang operation center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Alas otso kaninang umaga nang maging epektibo ang alerto bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Usman.

Pinapayuhan ng ahensya ang kanilang mga regional office na higpitan ang monitoring sa posibleng paghagupit ng bagyo sa kanilang lugar partikular na sa Eastern Samar kung saan inaasahang maglalandfall ang bagyo.

Kabilang sa tututukan ay ang mga landslide areas na posibleng maapektuhan ng bagyo gaya ng Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Aklan, Antique, Eastern Samar at Northern Samar.

Nagpalabas na rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng warning at advisories sa nasabing mga lalawigan.

Habang handa na ang mahigit ₱1.2 million halaga ng pagkain at non-food items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga maaapektuhan ng bagyo

Mahigit 6 na libong pasahero, na-stranded dahil sa Bagyong Usman

Pumalo na mahigit anim na libo ang bilang ng mga pasahero na stranded sa ilang pantalan sa bansa dahil sa Bagyong Usman.

Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG) hanggang kaninang alas-dose ng tanghali, kabuuang 6,445 ang stranded na pasahero sa Eastern Visayas at Northern Mindanao.

Hindi rin pinayagang maglayag ang nasa 380 rolling cargoes, 33 barko at 19 motorbanca.

Pinapayuhan naman ang lahat ng pcg units na mahigpit na ipatupad ang HPCG Memorandum Circular Number 02-13 o guidelines on movement of vessels tuwing may masamang panahon.

Sinuspinde na rin ng PCG ang lahat ng sea travel mula sa Surigao City, Surigao Del Norte bunsod pa rin ng bagyo.

Maging ang LTFRB ay pansamantalang pinasususpinde ang operasyon ng mga bus na may roro trips patawid sa mga lugar na nasa ilalim ng signal no. 1

Nakataas ang gale warning sa eastern seaboard ng Mindanao kabilang na ang probinsya ng Surigao at Siargao Island.

SMNI News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *