impeachment
National

8 SC justices na pumabor sa quo warranto, sasampahan ng impeachment case

Nakahanda ang Makabayan Bloc sa Kamara na suportahan ang sinumang maghahain ng impeachment complaint laban sa walong mahistrado ng Supreme Court.

Ito ay matapos paboran ng walong Supreme Court justices ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Nanindigan sina Bayan Muna Party List Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat sa impeachment lamang maaaring maalis sa puwesto si Sereno.

Naniniwala naman si Anakpawis Party List Rep. Ariel Casilao na may impeachment man o wala laban sa walong mahistrado ay “gibang-giba” na ang integridad ng Korte Suprema.

Una nang nagpahayag ng planong maghain ng impeachment laban sa walong mahistrado si Akbayan Party List Rep. Tom Villarin.

Resolusyon ng senado vs quo warranto, tatalakayin

Mayorya ng mga senador ang pumirma sa resolusyong tumututol sa desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang chief justice.

Ayon kay Senador Francis Pangilinan, labing apat sa dalawampu’t tatlong senador ang lumagda sa resolusyon kabilang ang mga miyembro ng senate majority at minority blocs.

Bukod kay Pangilinan, ay kasama sa mga pumirma mula sa minorya sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Antonio Trillanes IV, Risa Hontiveros, Bam Aquino at Leila de Lima.

Gayundin ang majority senators na sina Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, Grace Poe, Francis Escudero, Joel Villanueva, Ralph Recto, Loren Legarda at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Umaasa ang mga mambabatas na magagamit ang resolusyon ng kampo ni Sereno kapag inapela ang desisyon ng Korte Suprema.

Sa darating na Lunes nakatakdang talakayin ng senado ang resolusyong inihain laban sa quo warranto kay Sereno.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *