Sasampahan ng impeachment complaint
National

8 mahistrado ng SC, sasampahan ng impeachment complaint

Sasampahan ng impeachment complaint ng mga mambabatas na miyembro ng Magnificent 7 sa Kamara ang 8 associate justices na bumoto ng pabor para mapatalsik sa puwesto si Atty. Maria Lourdes Sereno bilang Supreme Court Chief Justice.

Ayon kay Albay Congressman Edcel Lagman, culpable violation of the constitution at betrayal of public trust ang grounds na kakaharapin ng 8 mahistrado dahil labag sa konstitusyon ang pagkatig nila sa quo warranto petisyon na nagtanggal kay Sereno sa puwesto.

Sa huling linggo ng Hunyo nila maaaring isampa ang impeachment case subalit depende pa rin ito sa kahihinatnan ng motion for reconsideration ng kampo ni Sereno.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi nila ihahain ang kaso hangga’t walang pasya ang Korte Suprema sa motion for reconsideration.

Ayon naman kay Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga abogado ni Sereno, sa May 30 pa sila maghahain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.

Samantala, bagamat numbers game ang laro sa impeachment, ay gagawa daw ang kanilang kampo ng paraan para himukin ang mga kasamahan sa kamara na suportahan ang kanilang hakbang.

Maliban kina Alejano, Lagman at Erice, ay tatlo pang miyembro ng Magnificent 7 ang handang suportahan ang panawagang impeachment.

Kabilang naman sa walong mahistrado na nagpatalsik kay Sereno ay sina  Associate Justices Noel Tijam, Teresita Leonardo-de Castro, Samuel Martires, Andres Reyes, Jr., Alexander Gesmundo, Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Francis Jardeleza.

 Ulat ni : MJ Mondejar

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *