Hero’s Welcome
National

Hero’s welcome para kay Ms. Universe 2018 Catriona Gray, inihahanda na ng Oas, Albay

INIHAHANDA na ng lokal na pamahalaan ng Oas sa Albay ang Hero’s Welcome kay 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Ayon kay Oas Mayor Domingo Escoto Jr., nagsimula na ang kanilang paghahanda para sa Hero’s Welcome kay Catriona.

Matapos masungkit ang ikaapat na korona sa kasaysayan para sa bansa.

Sinabi ni Escoto na tila nagkaroon ng festival sa kanilang bayan matapos i-anunsyo ang bagong Miss Universe sa katauhan ni Catriona.

Plano rin ng lokal na pamahalaan ng Oas na magpatayo ng whole body iconic symbol ni Catriona sa Oas Park.

Upang magsilbing atraksyon sa bayan na magpapaalala sa karangalan na dinala nito para sa bansa.

Umaasa naman ang pamilya ng Bicolana beauty at mga kababayan na makakauwi sa Oas si Catriona sa lalong madaling panahon.

DOT, pinuri si Catriona Gray matapos masungkit ang Ms. Universe Title

PINURI ng Department of Tourism (DOT) si Catriona Gray matapos koronahan bilang bagong Miss Universe 2018 na ginanap sa Thailand.

Ayon kay Tourism Sec. Benadette Romulo-Puyat, naipakita ni Gray ang galing ng isang Filipina.

At naiwagayway nito sa lahat ang watawat para sa karangalan ng ating bansa.

Ikinokonsidera ng DOT na maging bahagi si Catriona para sa kampanya ng ating turismo.

Samantala, nagpasa naman ng resolusyon si Senado si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Para sa planong bigyan ng pagkilala ang Pinay beauty queen.

Humanga si Zubiri sa ipinamalas na galing ni Catriona sa pagrampa.

Lalo na sa pagsagot sa mga tanong na maging ang host na si Steve Harvey ay aminadong mahirap bigyan ng tugon.

Nagpaabot din ng pagbati ang ilang kongresista kay Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na kasing ganda ni Catriona ang Bulkang Mayon nang ikatawan nito ang Pilipinas sa Miss Universe 2018.

Ayon kay Salceda, ang Bicolana beauty ang pinakahanda sa lahat ng mga kandidata sa nasabing prestihiyosong pageant.

Iginiit naman ni Surigao Del Norte Rep. Ace Barbers na inspirasyon para sa lahat ng Pilipino ang panalo ni Gray sa gitna ng mga kinakaharap na problema ng bansa.

Pinuri naman ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy, ang adbokasiya ng Bicolana beauty para sa karapatan ng mga kabataan.

Si Herrera-Dy ay chair ng House Women and Gender Equality Committee.

Sinabi naman ni 1-Ang Edukasyon Rep. Salvador Belaro Jr. na tunay na huwaran para sa mga Pilipino ang bagong Miss Universe.

Pinuri naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang ipinakitang talino, ganda, integridad at puso ni Catriona para sa mga mahihirap.

Habang sinabi naman ni Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez, na ipinakita ni Gray sa mundo ang pananalampalataya at katatagan ng mga Pilipino.

Si Romualdez ay dating Binibining Pilipinas International 1996.

Nagpasalamat naman si Sen. Bam Aquino kay Catriona dahil ipinakita nito na ang Filipino beauty ay intelligent, creative and full of heart.

Ayon naman kay sen. Sonny Angara, hindi lamang kasiyahan kundi inspirasyon din para sa milyong Filipino ang dulot ng panalo ni Catriona.

Naniniwala naman si Sen. Joel Villanueva na malaki ang maitutulong ni Catriona para sa pagsusulong ng turismo ng bansa.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Sen. Grace Poe sa karangalang hatid ng Bicolana beauty queen.

Dahil sa pagwagayway nito ng watawat ng Pilipinas sa buong mundo dahil sa naturang tagumpay.

SMNI News

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *